Si Naga napakaingay! Nakakainis siya! Tuwing umaga, naririnig ko ang boses ng lalaki na yan kahit na sa kusina siya habang nagtitimpla ng tsaa. Sumasakit ulo ko ngayon. Sobrang nalasing yata ako kagabi, di ko nga alam kung marami ba ang nainom ko. Hay nako!
Nandito na yung demonyo na yun. Nakakagigil ang ngiti niya, pati tawa niya– naiirita talaga ako!
“Magandang umaga! Izou, beh! Nandito na tsaa mo! Bangon ka na kundi, bubuhatin kita parang prinsesa!” Siyempre ang lalaki na iyon, hindi marunong kumatok. Kulang sa grasya pero hindi ako dapat ang magsabi niyon. Bulakbol kasi ako sa buong buhay ko. Balewala ang mga papuri na yan. Mga manloloko. O baka lang, sira-ulo rin ako na madaling lokohin. “Uy. Okay ka lang? Marami ka yata nainom kagabi ah.” Huh?! Bakit niya natanong yun? Halata ba?!
Ay. Umiiyak kasi ako. Nakakahiya. Hindi mapigilan ng mga mata ko ang pag luha na patuloy-tuloy ang pagdaloy sa mukha ko. Hindi ko siya maloloko sa damdamin ko ngayon. Bakit kasi ako lasinggero??
“Shhh. Okay lang yan, beh. Dalhin ko na lang sa’yo yung tsaa.” Pinag-alala ko pa siya.
Anong klaseng tao ba ako? Matanda na ko pero… Bakit parang bata ako na inaalagaan. Siguro mababa na tingin sa’kin ng ading ko. Baka si master, pagod na sa akin. Ano ba, nakikita ni Naga sa’kin?
“Uy, beh. Gising ka pa ba?”
“Oo, ano sa tingin mo?!”
“Khehehehe! Ito na tsaa mo!” Inabot niya sa akin ang maiinit na tasa. Mukhang ininit niya pa ito. “Inumin mo na! Laklakin mo para gumanda pakiramdam mo!” Sira-ulo. Tawang-tawa pa siya sa sinabi niya. Ganun ba kakitid ang utak niya?
Ayan na! Napa-upo ako sa higaan na’min at ininom ko yung timpla niya. Para sa isang baliw na tulad niya, mahirap paniwalaan na kaya niya gumawa nang isang inumin na nakakaginhawa. Gumagaan ang loob ko.
“Oh masarap ba? Gawa ko yan para sa’yo beh!” Para talaga siyang malaking aso. Nakakainggit talaga ang mga simpleng pag-iisip niya.
“OO NA. Masarap siya.” Hinihintay lang niya ang sasabihin ko, masaya na siya doon.
Sinandal niya ang kanyang ulo sa aking mga hita. Sa posisyon na iyon, madali lang halikan ang noo at yakapin ang balikat niya. Baka ako pala yung tanga na nagkagusto sa isang sirang-ulo.
Did you like this post? Tell us
Leave a comment
Log in with your itch.io account to leave a comment.